Bail petition nina Napoles at Revilla ibinasura ng Sandiganbayan

Revilla and Janet Napoles

Janet Lim Napoles and Sen. Bong Revilla Image courtesy of Rappler

 

Ibinasura ng Sandiganbayan First Division ang petisyon ng kampo nina Sen. Bong Revilla, Atty. Richard Cambe at Janet Lim Napoles na makapagpiyansa sa kasong plunder na inihain laban sa kanila.

Sa 71 pahinang resolusyon na pinonente ni Justice Efren Dela Cruz, sinabi ng hukuman na mabigat ang mga ebidensyang inihain laban kina Revilla, Napoles at Cambe kung saan nagpapakita na nagsabwatan ang mga ito.

Sa kabila nito sinabi ni Dela Cruz sa resolusyon na hindi nangangahulugan na “guilty” na agad ang tatlo matapos hindi sila payagang makapagpiyansa ng korte.

Aabot sa humigit kumulang P224 milyon halaga ng priority development assistance fund ni Revilla bilang senador ang sangkot sa kaso kung saan sinasabing napunta lamang ito sa mga bogus na proyekto sa pamamagitan ng mga pekeng non-government organization na kinokontrol ni Napoles.

Kabilang sa mga iniharap na testigo ng prosekusyon sa mga nagdaang bail petition hearing ay ang mga whistleblower na sina Merlina Suñas, Marina Sula, at Benhur Luy.

Bukod sa kanila ay ginamit din ng prosekusyon ang testimonya nina Commission on Audit (COA) Assistant Commissioner Susan Garcia at Department of Budget and Management (DBM) Director IV Carmencita Delantar para mapatunayan ang mga salaysay ng mga whistleblower.

Dismayado naman ang kampo ni Revilla sa naging desisyon ng korte subalit sinabing iginagalang nila ito. Ayon pa kay Revilla, umaasa sila na sa tamang panahon ay makakamit din nila ang hustisya sa kaso.

Dahil dito ay mananatili sa kustodiya ng Philippine National Police sa Camp Crame si Cambe at Revilla habang si Napoles ay mananatili sa female dormitory ng Camp Bagong Diwa sa Taguig City.-DCR

Advertisements