Namatay na miyembro ng PNP-SAF sa Mamasapano massacre umakyat na sa 44

23

Image courtesy of www.interaksyon.com

 

Pumalo na sa 44 na miyembro ng Philippine National Police – Special Action Force (PNP-SAF) ang kumpirmadong patay matapos nilang makasagupa ang pwersa ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Mamasapano, Maguindanao noong Linggo.

Ang naturang bilang ay base sa opisyal na pahayag ngayong araw ni Department of Interior and Local Government Sec. Mar Roxas at PNP OIC Dir. Gen. Leonardo Espina.

Bukod sa nasabing bilang ng mga nasawi sa panig ng gobyerno ay may 12 miyembro rin ng SAF ayon kay Roxas ang sugatan.

Sa kabuuan ayon sa kalihim ay aabot sa 392 na mga miyembro ng SAF ang sumugod sa lugar para magpatupad ng law enforcement.

Sa naturang bilang ay accounted na umano 336 na mga miyembro ng SAF. Ayon kay Roxas nagmula sa iba’t ibang unit ng nasabing elite force ng PNP ang bumuo sa raiding team.

Bukod naman sa opisyal na ulat ng DILG ay may hiwalay na ulat na inilabas ang Philippine Daily Inquirer na nagsasabing pumalo na sa 64 kapulisan ang napatay sa insidente.

Ayon sa pahayagan, ang kanilang ulat ay base sa report na isinumite ng mga imbestigador ng MILF Central Committee. 

Kasabay nito ay inihayag rin ng kalihim at ni Espina ang pagbuo sa isang board of inquiry na siyang mag-iimbestiga sa naganap na operasyon na ikinasawi ng napakaraming miyembro ng kapulisan.

Batay sa ilang impormasyon ay natungo sa lugar Linggo ng madaling-araw ang mga miyembro ng SAF upang dakpin ang teroristang si Zulkifli bin Hir alyas Marwan. Si Marwan ay most want hindi lamang dito sa Pilipinas kundi sa iba’t ibang bansa dahil sa mga gawain nitong terorismo.

Nabatid na napalibutan ang mga miyembro ng SAF ng mga kasapi ng BIFF at MILF kung kaya nalagasan ang hanay ng gobyerno ng ganito karami.

Sa kabila nito sinabi ni Roxas kanina na nananatili ang commitment ng PNP sa peace process na isinusulong sa Mindanao.-DCR

Advertisements