Limang sundalo patay sa pananambang ng NPA sa Ilocos Sur

npa
New People’s Army guerrilla during their training Image from: www.systemiccapital.com

 

Patay ang limang sundalo habang sugatan ang anim na iba pa matapos tambangan ng mga miyembro ng New People’s Army sa Quirino, Ilocos Sur noong Huwebes ng gabi.

Sa ulat na tinanggap ng Armed Forces of the Philippines (AFP), nabatid na tinatahak ng mga sundalo mula sa 81st Infantry Battalion at PNP-Regional Public Safety Battalion sakay ng isang army truck ang bahagi ng Brgy. Namitpit ng biglang paulanan ng bala ng mga rebelde.

Sinabi ni Lt. Col. Jason Bajet, commander ng 81st IB, na ginamit na human shield ng mga rebelde ang mga sibilyang nakatira malapit sa lugar ng pananambang kung kaya nahirapan ang kanyang tropa.

Sa kabila nito ay naging maingat sa pagpapaputok ang mga sundalo ayon kay Bajet upang walang sibilyan na madamay sa sagupaan.

Matapos ang insidente ay agad namang nagpaabot ng kanyang pakikiramay si AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang sa pamilya ng mga napaslang na sundalo.

Sinabi rin ng AFP na sasampahan nila ng mga kaukulang kaso ang mga rebeldeng sangkot sa pananambang.

Noong nakaraang Pebrero 16 ay nagkasagupa rin ang mga sundalo at mga miyembro ng NPA sa bahagi ng Alabel sa lalawigan ng Saranggani.

Sa naturang sagupaan ay napatay ng mga miyembro ng 73rd Infantry Battalion ang pitong miyembro ng komunistang grupo.-DCR

1 Comment

Leave a comment